Cart 0
Natagpuan ko ang lahat nang matagpuan ko si Cristo (Tagalog)

Natagpuan ko ang lahat nang matagpuan ko si Cristo (Tagalog)

$0.00

SI ANTHONY PEZZOTTA ay isinilang sa Hilagang Italya. Ang pangarap niya sa buhay ay maging isang misyonerong pari, kayat sa gulang na labing-isa ay pumasok na siya sa seminaryong Romano Katoliko upang matupad ang ambisyong ito.

Pagkatapos ng labing-isang taong pag-aaral natamo niya ang kanyang titulong Batsilyer sa Sining sa Griego at Pilosopiya. Sa kanyang pag-aaral upang matamo ang titulong Masters sa Teolohiya nakarating siya sa Inglatera. Alemanya at Espanya. Bumalik siya sa Italya upang doon ordenan bilang paring Romano Katoliko.

Isinugo siya kaagad bilang misyonero sa Pilipinas. Labintatlong taon siyang naglingkod dito. Inatasan siyang maging direktor ng mga paaralang Katoliko Hanggang maatasan siyang mamahala sa mga seminaryo. Nagtuturo siya nuon ng Pilosopiya at Teolohiya sa seminaryong pinamamahalaan niya nang magpanibagong-buhay siya.

Sa kasalukuyan, si Tony (ito ang nais niyang itawag sa Kanya), ay isang misyonerong ebangheliko at propesor ng Teolohiya sa Asian Theological Seminary at sa dalawa pang paaralan ng Biblia.

NUONG NAG-AARAL AKO NG TEOLOHIYA sa Inglatera. nagsimula akong magkaroon ng malaking alinlangan sa maraming doktrina ng aking Iglesya sapagkat nasumpungan kong mahirap iyong patunayan sa Banal na Kasulatan. Patuloy na binalisa ako ng pagaalinangan kahit nang naordenan na akong pari at naging misyonero sa Pilipinas. Gayun pa man, sinikap kong iwaksi iyon sa pagiging abala ko sa mga gawain at pagtuturo. Sa aking kaabalahan. halos nawalan na ako ng panahong magsaliksik o manalangin.

Pagkatapos ng sampung taon sa mabigat na tungkulin, bumalik ako sa Italya upang magpahinga at magpalakas sa loob ng isang taon. Dahil hindi na ako abala sa maraming gawain, ang alinlangan ko sa mga Doktrina ng Iglesya ay bumalik at lalo pang naragdagan. Sumidhi ang hangarin kong makasumpong ng ganap na kasagutan. Walang tigil kong binasa at pinag-isipang mabuti ang mga isinulat ng mga dakilang teologo at ang mga aral ng mga Papa. Ngunit lalong nanatili ang lahat ng alinlangan ko. Nasumpungan kong hindi naaayon sa maliwanang na turo ng Banal na Kasulatan ang matagal nang doktrina ng Iglesya gaya ng paniwalang kailangan sa kaligtasan ang mga sakramento ng pagkapari ng piling lalake lamang, pagiging tagapamagitan ni Maria at ng mga santo, paggamit ng mga rebulto, paniwalang hindi nagkakamali ang Papa, paniwalang walang kasalanan si Maria. paniwala sa maluwalhating pag-akyat ni Maria sa langit, pagbibinyag sa sanggol, paniwalang hain sa kaligtasan ang Misa, sapilitang pagpapanatiling walang asawa ng obispo at iba pa. Pinagalinlangan ko kung talagang mas mapagkakatiwalaan ang Iglesya at ang Papa kaysa sa Salita ng Dios mismo.

Nang bumalik ako sa Pilipinas nuong 1972, isinaisangtabi ko ang lahat ng aklat sa teolohiya. Ipinasiya kong ituon ang aking isip sa iisang aklat, ang Salita ng Dios, ang BIBLIA. Mula sa Biblia lamang ako nagbasa, nagdili-dili, nagturo at nangaral. Sa maigsing panahon, sinagot ng Biblia ang lahat ng aking tanong at nalutas nito ang lahat ng aking alinlangan, kahit ang malaking alinlangan ko sa kapangyarihan ng Iglesya at sa paniniwalang tradisyong apostoliko. “Maging kami,” ang sabi ni Pablo. “o isang anghel man mula sa langit ang mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang ipinangaral namin, pakasumpain siya! Sinabi na namin. at inuulit ko: kung may manangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang tinanggap ninyo, pakasumpain siyal” (Galacia 1:8,9).

Sa katapusan ng Enero, 1974, napunta ako sa Santa Cruz, Laguna, sa gawing timog ng Maynila. Katatayo lamang noon doon ng isang makatawag-pansing simbahang Conservative Baptist. Hindi pa ako nakakapasok sa simbahang Protestante kaya tahimik akong pumasok upang tingnan ang loob noon. Magiliw akong binati ng isang mananampalataya at nagpilit siyang ipakilala ako sa mabait na lingkod ng Dios na Si Pastor Ernesto Montealegre.

Matagal kaming nag-usap. Sinikap kong gawin ang lahat upang maging Katoliko siya. Sa pamamagitan ng Biblia, mahinahong sinagot niya ang aking mga tanong at pagsalungat. Bilang paring Katoliko, naniniwala akong ang Biblia ang Salita ng Dios. Hindi ako nagtagumpay na mahikayat siyang maging Katoliko. Hindi rin niya ako nahikayat maging Protestante. Gayun man. ang mga sagot niya mula sa Banal na Kasulatan at ng kanyang katapatan at pag-ibig ay tumimo sa akin.

Mula ng araw na iyon, ako’y dumaan sa panahon ng pagkabalisa at kawalan ng kapayapaan. hindi makatulog sa gabi, pagtatalo ng isip na nagdudulot ng hirap sa kalooban, pagkatakot at kawalan ng tapang na ipahayag ang katotohanan ng Banal na Kasulatan. Isang gabi nang binabasa ko ang sulat ni Pablo kay Tito, natuon ang aking pansin sa talatang 5 ng ikatlong kapitulo: “Tayo’y iniligtas Niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi sa Kanyang habag sa atin.”

Sa aking pagdidili-dili ng talatang ito, napagtanto ko na bagamat may pananampalataya ako kay Kristo, ang lahat ng pag-asa ko sa posibleng walang hanggang buhay ay nakasalig sa aking sarili lamang. sa mga natamo ko, sa mga nagawa ko. Ito ang aking saloobin: tapat ako sa aking panata, sa kautusan ng Iglesya, at ng aking orden; dahil sa lahat ng ito. umaasa akong bibigyan ako ng Dios ng walang hanggang buhay sa langit. Sa pagkatanto na sa buong buhay ko, sa sarili lamang ako nagtiwala sa halip na kay Kristo, nagsimula akong mangamba na baka hindi pa ako tunay na Kristiyano. Ano ang dapat kong gawin? Kung magsimula akong mamuhay at mangaral ayon sa Salita ng Dios, tiyak na uutusan ako ng aking obispo at superyor na tumigil o umalis. Kung magkukusa naman akong umalis sa pagkapari at Iglesya, ano naman ang sasabihin ng aking ina at kamaganak? Ipinagmamalaki nila ako bilang paring misyonero sa aming pamilya. Ano ang sasabihin ng tao? Ito ang aking naging alalahanin.

Nang gabi ng Pebrero 20, 1974, nang nag-iisa ako sa aking silid at bumabasa sa Ebanghelyo ni Juan, nangusap sa akin ang Panginoon: “Maging sa mga pinuno ng mga Hudio ay marami ang sumampalataya. Ngunit hindi nila ipinahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo - baka sila’y itiwalag sa sinagoga. Sapagkat inibig nilang kalugdan sila ng tao kaysa kalugdan ng Dios.” (Juan 12:42-43, MBB).

Parang matalim na punyal na tumimo sa aking puso ang huling mga salitang iyon. Ngunit binigyan din ako nuon ng lakas at tapang. Napagtanto kong inuuna ko pa ang sinasabi ng tao kaysa katotohanan ng Dios. Nagsisi ako at saka lamang ako nakadama ng kapayapaan. Nang gabing iyon nakatulog ako nang walang paghihirap ng kalooban at pagtatalo ng isip.

Kinabukasan nang magising ako, naalala ko ang mabait na pastor na Baptist. Dali-dali akong nagbihis at pumunta sa simbahang iyon. Matagal uli kaming nag-usap. Inabutan niya ako ng mga babasahin na tinanggap ko namang may katuwaan. Nang maghihiwalay na kami hindi inaasahang tinanong ko siya, “Kung sakaling iwan ko ang aking iglesya, maaari ba akong bumalik at sumama sa iyo? Tatanggapin mo ba ako?” Nakangiti siyang sumagot, "May isa pang salid dito at hindi ka pababayaan ng mga mananampalataya!”

Lumipas ang limang araw ng pananalangin bago ako nakapagpasya. Nagkamali ako nang akalian kong nakasalalay sa akin ngayon ang lahat. Ngunit nang nakapagpasya na ako, nadama kong ganap na wala akong tapang na isakatuparan ang aking pasya! Pebrero 26 nang magising at manalangin ako, napagtanto kong hindi ang pag-alis sa iglesya kundi ang pagtanggap lamang kay Cristo bilang Tagapagligtas at Panginoon ang mahalaga. Kayat iyon ang ginawa ko; sa awa ng Dios, isinuko Ko sa Kanya ang lahat. Hiniling kong Siya na ang manguna sa aking buhay. At gayon ang ginawa Niya. Binigyan Niya ako ng kalakasan sapagkat ako’y sa Kanya na. Iniwan ko ang lahat: kotse, mga aklat, propesyon at katungkulan ... Sinulatan ko ang aking obispo upang magbitiw. At umalis ako upang makitira sa bagong espirituwal na pamilya ko sa Santa Cruz.

Kay laking pagbabago! Sa wakas nakadama ako ng kalayaan: kalayaan sa kasalanan dahil tinubos ako ni Jesus: Kalayaan sa pagkaalipin ng opinyon ng tao. Maaari na akong mamuhay at mangaral ayon sa Salita ng Dios. Naging katotohanan sa akin ang sinabi ni Cristo: “Kung patuloy kayong susunod sa Aking aral, tunay ngang Kayo’y mga alagad Ko; makikilala ninyo ang katotohanan at ang katotohanan, ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31-32).

Noong Marso 3, 1974, ika-12 ng tanghali, inihayag ko sa publiko ang aking pananampalataya sa Ebanghelyo at nagpabautismo ako sa Ilog Santa Cruz sa likod ng simbahan. Nakaranas ako ng kagalakan at kalayaan mula sa pag-aalinlang:an na hindi ko kayang ilarawan. Pagkaraan ng ilang araw isang pari ang dumalaw sa akin. Ang sabi niya. “Tony, paano mo nagawang magpasya ng ganoon? Iniwan mo ang Iglesya KATOLIKO, dalawampung siglong kaugalian, mga papa, mga santo, ang pagpapari, ang lahat ng iyong natutunan at inibig ng tapat sa napakahabang panahon.” Mula sa aking puso ang sagot ko sa kanya, “Hindi ako naniniwalang mayroon talagang anumang nawala sa akin, bagkus, NATAGPUAN KO ANG LAHAT NANG MATAGPUAN KO SI CRISTO!”

Kung may nais ka pang malaman tungkol sa Panginoong Hesus, sumulat sa: CBAP P.O. Box 1882 Manila. Philippines



More from this collection